Tinig sa Karimlan

July 31st, 2006 by chepay

Tinig Sa Karimlan

Ni Cherry V. Tubes

Nagsusumigaw na tinig,

Ako’y pakinggan mo.

Ang puso ko’y sawa na,

Sa mga pasakit na ito.

Hindi ko na ibig

Na muli pa ay maipagkanulo,

Nitong aking mga bibig

Na tanging ngalan mo lamang ang sinasambit.

Sa tuwina ay aking ninanais,

Na ang tinig mo ay marinig.

Pagka’t bawat mong kataga’y

Mga musika sa aking pandinig.

Subalit ano ang marapat kong gawin?

Gayong angkin mong tinig

Ay lubhang napakailap sa akin.

Magagawa ko bang sikilin,

Itong aking damdamin?

Saan ko nga ba hahanapin,

Mga tinig mong nagbibigay galak sa akin?

Kailangan ko pa bang tunguhin,

Ang mapanagnib na daanin?

O patuloy ko na lamang bang hihintayin,

Ang pagsapit ng takip-silim?

Tagumpay Para sa Lahat

July 31st, 2006 by chepay

Tagumpay Para Sa Lahat

Ni Cherry V. Tubes

Ang tagumpay ay para sa lahat

Ng taong walang tigil sa pangangarap…

Ilang ulit mang madapa,

Ilang ulit mang mabigo,

Patuloy pa ring tatayo

Upang ang mithii’y matamo.

Ang tagumpay ay para sa lahat

Ng estudyanteng may pangarap…

Tambak man ang takdang aralin

At magkaro’n ng mababang marka,

Isip ay patuloy na lilinangin

Upang diplomang inaasam ay makuha.

Ang tagumpay ay para sa lahat

Ng mga magulang na puno ng pangarap…

Sunud-sunod man ang problema,

Mabaon man sa pagkakautang,

Patuloy pa ring magsusumikap,

Alang-alang sa kanilang mga anak.

Ang tagumpay ay para sa lahat

Ng pinunong maraming pangarap…

Ulanin man ng mga protesta

At batuhin ng mga paratang,

Patuloy pa ring maglilingkod,

Na may dangal at buong katapatan.

Ang tagumpay ay para sa lahat

Ng mga Pilipinong marunong mangarap…

Malugmok man sa kahirapan,

Dumanas man ng trahedya,

Patuloy pa ring lalaban,

Upang magandang bukas ay makamtan.

July 7th, 2006 by chepay

Pag-iisa

Cherry V. Tubes

Natapos na naman ang isang napakahabang araw. Nakakapagod at nakakasawa na rin. Paulit-ulit na lang ang mga nangyayari sa araw-araw. Tila ba ako’y nilalamon na ng aking sariling sistema. Gusto kong makawala. Nais kong kahit sandali ay makapagpahinga.

            Uuwi na ba ako o hindi pa? Ah! Hindi na lang muna. Hahayaan ko munang dalhin ako ng aking mga paa sa lugar na may katahimikan. Sa isang lugar kung saan ang aking isip at diwa ay malayang makapaglalakbay at pansamantalang makakatakas mula sa nakakasawa kong sistema.

            Ang parke. Sa parkeng ito ako madalas dalhin ng aking mga paa. Isang parkeng puno ng matatayog na puno, kulay berdeng damo at ilang mga upuang yari sa kahoy. Sa dulong bahagi nito ay matatagpuan ang isang makipot ngunit malalim na ilog. Kasing lalim marahil ng mga ala-alang nakatatak sa aking isipan. Ang tubig sa ilog na ito ay patuloy na umaagos, minsan tuloy ay naitatanong ko sa aking sarili, hindi kaya napapagod ang tubig sa ilog na ito sa kanyang tila walang katapusan sa pag-agos?

Isang upuan malapit sa ilog ang paborito kong puntahan. Medyo presko kasi sa gawing ito ng parke. Marahang umiihip ang hangin at nadarama ko ito sa aking mga pisngi. Waring bumubulong ito sa aking mga tainga at sinasabing, “ Sige, pumikit ka.. pumikit ka at ako ang bahalang umihip sa anumang bumabagabag sa iyong isipan. Paliliparin ko ang lahat ng mga iyan tulad ng pag-ihip ko sa saranggolang lumilipad sa kalangitan at nagpapasaya sa ilang musmos na bata. At tulad din naman ng tuyong dahong aking hinihipan upang humiwalay mula sa sanga ng puno at kasamang lumilipad ng saranggola sa kalangitan. “

            Ngunit, bakit kaya hindi nangyayari ang ibinubulong sa akin ng hangin? Panandalian lamang kasing naglalaho ang mga bumabagabag sa aking isipan. Naglalaho lamang ang mga ito sa gitna ng santambak kong mga gawain. Pagkatapos ay muli ako nitong gagambalain tulad ng paggambala nito sa akin sa mga oras na ito. Parang multo mula sa mga eksena ng isang nakakatakot na pelikulang muling bumabalik sa akin ang mga alaala ng kahapon. Muli kong nadarama ang sakit, hinagpis, lungkot at pangungulila. Muli kong nadarama ang aking pag-iisa.

Maraming ulit ko nang sinubukang patawarin ang aking sarili at kalimutan ang pait ng nakaraan. Ngunit ang magpatawad lamang ang aking nagagawa at ang paglimot ay hindi. Lubhang napakahirap talaga kung ikaw mismo ang gumawa ng isang bagay na nagpapahirap sa iyong sarili. Ang tangi ko na lamang magagawa ay ang magsisi.. magsisi at humiling na

sana

ay hindi ko nagawa ang bagay na iyon. Kung hindi sana’y hindi ko nadarama ngayon ang pait na dulot ng kahapon.

Nagpapaka-tanga ka rin ba?

July 7th, 2006 by chepay

“Nagpapaka-tanga Ka Rin Ba?”

Cherry V. Tubes

            “If love is blind, therefore lovers are foolish.” Narinig mo na ba iyang mga salitang iyan? Sang-ayon ka ba? Kasi ako, oo! Oo dahil totoo naman na kapag nagmahal tayo, handa nating gawin ang lahat para sa taong mahal natin.  Masakit isipin di ba? Pero yan ang totoo e. Its one of the reality in life. Iyon bang tipong alam mo nang may mga pagkakamali o pagkukulang ang mahal mo, pero wala lang sa’yo. Deadma ka lang. O mas tamang sabihin na pinipilit mo lang na tanggapin sa loob mo kahit hindi na naman talaga katanggap-tangap at ang totoo ay nasasaktan ka na!

            Sabi naman ng iba, sadyang ganyan daw talaga kapag nagmamahal ka. Minsan daw, mas masarap “magpaka-tanga”! Bakit?!? E kasi daw, mas maganda na iyong ganon kaysa mawala sa piling natin iyong mahal natin. Yun! Yun iyon e! Takot tayong mawalan. Natatakot tayong magising isang umaga na wala na sa piling natin yung mahal natin. Kung sabagay, may point sila. Kasi ako, naranasan ko na rin iyan e. Anong feeling?? Masakit na tipong okay lang! Okay lang kasi ang katwiran ko noon… “mahal ko e!”

            Pero teka lang ha. Hanggang kelan ba kailangan “magpaka-tanga”?! Isn’t it time na magising na tayo sa katotohanan? Katotohanan na habang “nagpapaka-tanga” tayo, little by little, we are loosing our own self-respect. Oo nga at wala naming masama sa pagmamahal. Sino bang may sabing meron?! Pero alalahanin din natin na bago natin mahalin ang iba, dapat matutunan muna nating mahalin ang sarili natin. Paano ka nga naman mamahalin ng taong mahal mo kung ang sarili mo mismo ay hindi mo magawang mahalin hindi ba?

            Hindi ko po sinasabing masamang “magpaka-tanga”. Okay lang iyan paminsan-minsan. Kasama sa paglaki iyan e! J What I’m trying to say is, minsan matuto rin

sana

tayong imulat ang ating mga mata not only to see the things around us, but also to realize and understand what is really happening. Sabi nga, “If you heart gets broken by the person you love, let go of that person but not the love in your heart. Because someday, somehow, you’ll meet someone who is worthy of that love.”

            Kaya ikaw na nakakabasa nito, may itatanong ako sa iyo. “Tanga” ka rin ba? Kung oo, its better to wake up now kapatid! Ano ang pipiliin mo, mawala ang taong mahal mo o mawala ang pagmamahal mo sa sarili mo? Huwag mong sabihing hindi mo kaya kapag wala siya! Sabi mo lang yan. Sinabi ko rin dati iyan e. kung nakaya ko at nakaya ng iba, hundred percent, I assure you…you can get over it too! Goodluck! J

<<I made this article almost three years ago..chacka q p mgsulat nito..hehe..pro it always makes me smile whenever I read this..>>

Isang Hapon sa Maikling Bakasyon

June 9th, 2006 by chepay

                                                                     Isang Hapon sa Maikling Bakasyon

Ni Cherry V. Tubes

            Boooggg!

            Mapapalingon ako sa pinanggalingan ng malakas na tunog ng iyon.

            “Anthony, ano ba ‘yan?! Balak mo bang sirain ‘yang pinto natin sa lakas ng pagkakasara mo? At bakit ba parang nagmamadali ka?”

            “Ay sorry. Ate Phay, paki sapinan naman nitong  towel ang likod ko. Maglalaro kasi kami nila Hazel e.” nagmamadaling sagot ng bunso kong kapatid.

            Kukuhanin ko naman ang towel at isasapin sa basa niyang likod.

            “Umuwi ka bago dumulim. Lagot ka kay Tatay kapag dating niya mamayang gabi at wala ka pa sa loob ng bahay.”

            “Opo.” Iyon lang at bigla ng tatakbo ang kapatid ko.

            Iyan ang karaniwang eksena tuwing hapon dito sa bahay namin sa Rizal. Tuwing hapon ay magpapasapin sa likod ang aking kapatid at pagkataos ay magmamadaling tatakbo papunta sa mga pinsan naming kalaro niya. Kaya naman, tuwing hapon din ay makakarinig ka ng malalakas na tawanan, sigawan, asaran mula sa labas at ingay ng mga batang naglalaro ng habulan, tumbang preso, patintero, piko at kung anu-ano pang mga laro.

            Ganito kasimple ang buhay ng mga tao dito sa Rizal. Makakakita ka ng mga taong nagku-kwentuhan sa labas ng kani-kanilang mga bahay, mga batang naglalaro at mga naglalako ng masasarap na meryenda. Malayong malayo sa ingay, traffic at polusyon sa Maynila.

            Minsan tuloy, naiisip ko, ang sarap ng buhay sa probinsya… at ang sarap maging bata! Ang sarap maglaro tuwing hapon at ang sarap ng walang iniintindi kundi ang paglalaro.

            Hindi ko maiwasang mainggit. Buti pa sila, walang iniisip ng gawain. Walang mga articles na ipapasa at walang accounting subject na paghihirapang ipasa. Mabuti nalang at bakasyon pa rin. Kahit na wala pang dalawang linggo ang maituturing kong “bakasyon,” ayos na rin.

            Pero teka, tatlong araw nalang pala ang nalalabing araw ng “bakasyon” ko. Sa Martes ay pasukan nanaman. Babalik nanaman ako sa boarding house sa Maynila. Balik nanaman sa dating buhay, ang buhay iskwela at buhay Voice.

            Speaking of Voice, 13 araw nalang din pala, ipapasa na naming mga trainees ang evaluation paper namin, ang Echoes. Hala! Patay na! Wala pa rin kaming malinaw na usapan tungkol sa gagawin naming dyaryo. At kumusta naman kaya ang mga co-trainees ko? Sana naman ay may mga nagawa na rin silang articles para sa pasukan, ipa-finalize nalang namin at sisimulan nang i-lay-out. Hay, wish ko lang talaga…

            Ano naman kayang mangyayari sa pasukan? Sino kaya ang magiging prof ko sa accounting? Kung sino man siya, sana naman hindi niya kami masyadong pahihirapan.

            Hay, buti pa talaga ‘yung kapatid at mga pinsan kong bata, wlang iniisip at pinoproblemang tulad nito.

            “Anthony! Uwi na! Gabi na nasa labas ka pa!” Si Nanay ‘yun ah! Nakauwi na pala siya galing Tanay.

            “Mam’ya na po,” sagot naman ng kapatid ko.

            “Anong mamaya? Ngayon na! Uwi na! Aba’t itong batang ito!”

            “Opo. Ayan na nga, uuwi na e.” ang kapatid ko habang patakbong papasok sa bahay.

            “Phay, pumasok ka na rin at malamok na d’yan sa kinauupuan mo.” ako naman ang binalingan ni Nanay.

            “Mamaya na po ‘Nay. Nagpapahangin pa ‘ko dito,” ang sagot ko.

            “Hay, ikaw na nga ang bahala,” si Nanay.

            “Si Nanay ang daya! Ako minamadaling papasukin sa bahay. Samantalang si Ate Phay, hindi.” reklamo ng magaling kong kapatid.

            Hehehe! Binabawi ko na ang sinabi ko kanina. Mas masarap palang tumanda kahit paano. J

June 8th, 2006 by chepay

waaahhhh!!! Here I go again… I’m having a hard time writing AGAIN! We have all my muses gone? I got a lot of ideas on my mind.. a lot of stories to write.. but i just can’t put those ideas on print… nakakabaliw nmn… :c

….

June 4th, 2006 by chepay

"Alaala ng Isang Awitin" was one of my articles which was published on our school paper last issue….Ü

Alaala Ng Isang Awiin

June 4th, 2006 by chepay

Alaala Ng Isang Awitin

The closer I get to touching you,

the closer I get to loving you.

Give it time just a little more time,

we’ll be together.

With a little smile

the special smile,

the twinkle in your eyes

in a little while.

Give it time, just a little more time,

so we can get closer, you and I.

          Ang awiting iyan ang madalas kantahin sa akin ni Ryan noong hayskul kami. Halos tuwing umaga yata, habang wala pa ang teacher namin at habang abalang-abala ang lahat ng aming mga ka-klase sa paggawa ng kani-kanilang mga takdang aralin ay naririnig ko sa kanya ang kantang iyan. Biniro ko pa nga siya isang araw. Sabi ko, "Wala ka na sigurong alam na ibang kanta ‘no?" Pero sa halip na magsalita, isang ngiti lang ang isinagot niya sa akin.

          Si Ryan nga pala ay isa sa mga kabarkada ko noong hayskul. Isa siya sa mga taong may malaking papel na ginampanan sa paghubog ng aking pagkatao kaya naman pinahalagahan ko ng husto.

          Sa lahat ng mga kabarkada naming lalaki noon, masasabi kong siya ang naging sobrang malapit sa akin. Sa akin siya mas madalas ikuwento ang kanyang mga problema, maging family problem o kahit love life pa. Hindi siya nahihiyang magsabi sa akin ng kanyang nararamdaman, saloobin at opinyon. Pati nga mga pangarap niya para sa kinabukasan ay sa akin niya ikinukuwento. Ganoon din naman ako sa kanya. Hindi na rin ako nahihiyang magkuwento sa kanya ng mga sekreto at mga problema ko. Iyon siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit kami naging malapit sa isa’t-isa.

          Isa sa mga hindi ko malilimutang ginawa niya ay noong tanungin niya ako kung gusto ko raw bang ligawan niya ang isang kaklase namin. Nagulat at natawa ako sa tanong niyang ‘yon. Sabi ko, "Bakit ako ang tinatanong mo? Tanungin mo kaya ang sarili mo. Kung mahal mo talaga siya, bakit hindi, ‘di ba?" Pero gaya ng dati, isang ngiti lang ang isinagot niya sa akin.

          Hindi ko naintindihan ang ibig sabihin ng mga ngiti niyang ‘yon. Kaya, inakala ko na lang na nagbibiro lamang siya.

          Isang linggo pagkatapos ng kanyang pagtatanong, nalaman ko sa isa naming kabarkada na nililigawan na niya iyong kaklase namin. Pagkatapos kong malaman ‘yon, hinanap ko siya kaagad sa mga lugar sa aming paaralan na madalas niyang puntahan. Pero nabigo akong makita siya.

          Gusto ko sana siyang kausapin noon. Gusto kong itanong sa kanya kung talaga bang seryoso siya sa panliligaw niya. Hindi naman sa wala akong tiwala sa kanya at iniisip kong masama ang intensiyon niya, gusto ko lang naman siguraduhin kung talagang seryoso siya. Nais ko ring ipakita sa kanya ang aking suporta. Alam kong mabuting babae ang nililigawan niya at boto ako sa kanya para sa kaibigan ko.

          Ngunit, dahil nga hindi ko siya nakita saan mang lugar sa aming paaralan, nagdesisyon akong saka na lang siya kausapin.

         Kinabukasan, nakita ko ang buong barkada sa aming tambayan. Nandoon din si Ryan. Nagtatawanan ang mga ito at tila ba may masayang pinagkukuwentuhan. Naisip ko, pagkakataon ko na ‘yon para kausapin siya at para na rin ibalita sa iba pa naming mga kabarkada ang panliligaw niya sakaling hindi pa nila alam.

          Nang tuluyan akong makalapit sa kanila, biglang nawala ang ngiti sa mga labi ni Ryan. Parang biglang nagbago ang kanyang damdamin. Naguluhan ako. Hindi ko na naiintindihan ang nangyayari. Tumingin ako sa mukha ng aking mga kabarkada para makahanap ng kahit kaunting sagot pero wala akong mabasa sa mga mukha nila. Hindi na ako nakatiis. Nagsalita na ako.

         "Guys, bakit ganyan ang mga itsura ninyo? Ano ba ang nangyayari dito? Kanina lang, bago ako dumating, nagtatawanan pa kayo. Tapos nang lumapit na ako, parang bigla yata kayong natigilan. May problema ba?"

          Biglang tumunog ang bell. Hudyat na mag-uumpisa na ang aming klase.

          "Meg, tara, pasok na tayo," ang sabi sa akin ni Tricia, isa sa mga kabarkada ko. Wala akong nagawa kundi sumunod sa kanya at pumasok sa aming silid-aralan. Pero sinabi ko sa aking sarili na hindi ako titigil hangga’t hindi ko nakakausap si Ryan. Alam kong mayroon akong dapat na malaman.

          Pagkatapos ng aming klase, sinubukan ko uling hanapin si Ryan. Sa wakas ay nakita ko siyang mag-isang nakaupo sa bench.

          "Ryan, pwede ba tayong mag-usap?" tanong ko sa kanya.

          "Tungkol saan?" ang sagot niya sa akin.

          "Uhm, tungkol kanina. Bakit bigla yata kayong natigilan noong dumating ako? May problema ba? Saka, ikaw ha, nililigawan mo na pala si Ross, hindi mo man lang sinasabi sa akin. Magtatampo na ako sa’yo niyan."

           "Ah, ‘yon ba? Nasabi ko na sa’yo ‘yon ‘di ba? Tungkol naman doon sa pagdating mo kanina, wala ‘yon. Sige, may pupuntahan pa ‘ko e."

           "Teka lang, bakit ka ba ganyan? Iniiwasan mo ba ako? May nagawa ba akong mali? Hindi ko na talaga maintindihan kung ano ang nangyayari."

          "Meg…"

          "Alam mo, hindi talaga kita maintindihan. Kung ayaw mo akong kausapin, ‘di wag! Bahala ka na sa buhay mo."

          Iyon ang huli naming pag-uusap. Nagdaan ang aming graduation pero hindi na kami muli pang nakapag-usap. Masama ang loob ko sa kanya noong mga panahong ‘yon. At ang lalo ko pang ikinasama ng loob ay ‘yong hindi man lang siya gumawa ng paraan para magkaayos kami. Pakiramdam ko, balewala na sa kanya ang pagkakaibigan namin.

         Isang buwan pagkatapos ng aming graduation ay ang kaarawan ni Tricia. Ayoko sanang pumunta dahil alam kong nandoon din si Ryan. Pero, ayoko rin namang magtampo si Tricia. Kaya, napilitan akong pumunta. Laking gulat ko nang wala si Ryan sa party. Hindi na ako nagtanong pa sa mga kabarkada namin kung bakit siya wala. Sabihin ng mataas ang pride ko pero ayokong isipin nilang hinahanap ko siya. Pero, nagulat ako nang may ibinigay na sulat sa akin si Tricia. Galing daw ito kay Ryan.

          Dala ng aking pagtataka, binasa ko ang sulat.

Meg,

          Gusto ko sanang humingi ng sorry sa’yo. Alam kong masama ang loob mo sa akin. Gustuhin ko man noon na magpaliwanag sa’yo, hindi ko magawa. Hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Pero, ngayong malayo na ako sa’yo, naisip kong panahon na siguro para malaman mo ang totoo.

          Naaalala mo ba noon na madalas kong kantahin ang "Closer you and I"? Hindi mo siguro napapansin pero para sa’yo ang kantang ‘yon. Meg, mahal kita. Pero hindi ko masabi sa’yo ‘yon dahil alam kong hindi magtatagal ay magkakalayo rin tayo. Isinaalang-alang ko rin ang pagkakaibigan natin. At noong itanong ko sa’yo kung gusto mong ligawan ko si Ross, ‘yon ang paraan ko para malaman ko kung may nararamdaman ka para sa akin. Pero, nasaktan ako sa naging sagot mo. Kaya pinilit kong iwasan ka. Sana mapatawad mo ako, Meg.

          Siya nga pala, nag-migrate na kami dito sa Canada. Hindi ko na naipaalam sa’yo. Sorry talaga. Hindi ko rin alam kung kailan ako makakabalik d’yan. Pero sana, sa pagbabalik ko ay nand’yan ka pa rin para sa akin, Meg. Sana hintayin mo ‘ko. Just a little more time and we’ll be together, you and I.

                                                                              Nagmamahal,

                                                                                    Ryan

          Hindi ko napigilan ang pagpatak ng aking luha pagkatapos kong basahin ang sulat ni Ryan. Naiinis ako sa kanya. Bakit hindi na lang niya sinabi sa akin ‘yon. Pero sa kabilang banda, natutuwa akong malaman ang damdamin niya. Bumalik sa aking alaala ang mga linya ng kanyang awitin. Hihintayin kita, Ryan. Pangako.

Cries and Pleas on a Dark and Angry Sea

April 6th, 2006 by chepay

I am searching for peace,

            for my heart and for my soul.

I wanted to be free,

            from a memory that never stops hunting me.

I am searching for silence,

            but her voice still fills the air.

I can still see her pleading for help,

            afraid of drowning on that dark and angry sea.

But because I envy her,

            I ignored all of her cries and pleas.

Yes, I envy her…

            I envy her beauty,

            I envy her wit.

            I envy how people envy her.

            I envy everything in her.

I can never forget how she was drowned,

            on that dark and angry sea.

We were on an outing then,

            rejoicing for a job well done.

Suddenly she said she wanted to feel the water,

            on that dark and angry sea.

I warned her not to for it was perilous,

            but she persisted.

Several minutes later,

            I heard her cries as well as her pleas.

She screamed for help,

            but I refused and ignored her.

And now I am searching for forgiveness,

            even if I know that its too late.

I wanted her to exonerate me,

            but I know she’ll never do.

Because until now I’m still on this darkness,

            and reminding me how she drowned,

                        On that dark and angry sea.

ang maraming ako

April 3rd, 2006 by chepay

Ako ay isang dahon…

Na itinatangay ng hangin sa dako roon.

Hindi ko alam kung saan ako patungo;

Hindi ko rin alam kung kailan ako hihinto…

Ako ay isang maskara…

Maskarang nakukulayan ng iba’t-ibang pintura.

Sa kaliwang bahagi ay nakangiti;

Sa kanang bahagi nama’y nakahikbi…

Ako ay isang gitara…

Gitarang tumutugtog ng iba’t-ibang musika.

Minsan ako ay nasa tono;

Kung minsan nama’y sintunado…

Ako ay isang ilaw…

Sa daang napaka panglaw.

Nais kong bigyang liwanag

Ang isang lugar na hindi mabanaag…

Ako ay isang tampipi…

Na ang layunin ay magkubli

Ng samu’t-saring kagamitan

Na pilit nang kinalimutan…

Ako ay ang maraming ako…

Na sa tuwina ay nagbabago

Ngunit may isang bagay na ako ay sigurado

Ako ay mananatili pa rin sa pagiging ako…..