Archive for December, 2006

Kahit Huli Na…

Friday, December 29th, 2006

Kahit Huli Na…

Ni Cherry V. Tubes

 

Ngayon ay aaminin ko na

 Ang
matagal nang sa’yo ay inililihim

Na

sana

nga ay tayong dalawa

 Sa
mga oras na ito ang magkapiling

 

Bawat tanong ay iniwasan ko

 At
itinanggi nang pilit

Akala ang pag-ibig mo’y ‘di totoo

 At
pulos lamang mga biro

 

‘Di ko alam kung ano ang nangyari

 Puso
ko’y nabalot ng alinlangan

Damdamin ko sa’yo’y hindi ko nasabi

 Kinimkim
at itinago lamang sa sarili

 

Hanggang ang puso mo’y napagod

 At
tuluyang nawalan ng pag-asa

Sa paghihintay, kay tagal

 Dito
sa pag-ibig kong inililihim

 

Saka ko lang naisip

 Napagtanto
ang malungkot na katotohanan

Muntik na kitang minahal

 Nakapanghihinayang…
sayang

 

Pinapatawad na kita… Paalam

Friday, December 22nd, 2006

Pinapatawad na kita… Paalam

Ni Cherry V. Tubes

 

 Ilang minuto na ang nakakalipas pero
para pa rin akong nakatingin sa kawalan. Hidi ko mapigilang huwag matulala
matapos mong ipagtapat sa akin ang iyong kataksilan. Kahit paano ko piliting
unawain ka ay hindi ko magawa. Gusto kong umiyak upang kahit paano ay maibsan
ang sakit na aking nararamdaman pero wala ni isang luha ang lumalabas mula sa
aking mga mata. Nais ko ring sumigaw ng malakas na malakas, ngunit wala ni
katiting na tinig ang lumalabas sa aking lalamunan. Hindi ko alam kung bakit.

 Maya-maya ay naramdaman kong
hinawakan mo ang aking mga kamay. Sinubukan mong magpaliwanag at hingin ang
aking pang-unawa. Pero tila sarado na ang aking isipan. Hindi na nito nais pang
tumanggap ng paliwanag mula sa iyo. Ang tangi na lamang nitong alam ay ang
katotohanang ako’y niloko mo.

 Gayon pa man, ayaw kong maging hindi
patas sa iyo kung kaya’t pinilit ko pa ring bigyan ng katwiran ang iyong
pagkakasala. Sinubukan kong isiksik sa aking utak ang iyong rason. Nais kong
kahit paano ay maging magaan para sa akin ang iyong ginawa. Tao ka lang din
naman kasi, hindi ba? Hindi ka perpekto at may mga pagkakataon din naman na
nagkakamali ka.

 Subalit, bigo ako sa pagdepensa sa
iyo sa aking isipan. Ginawa ko na ang lahat ng pag-unawa at inisip ang lahat ng
mga posibleng dahilang makakapag-abswelto sa iyo, ngunit lubhang napakahirap
talagang tanggapin na sa kabila ng mga ginawa ko para sa iyo’y nakuha mo pa rin
akong pagtaksilan.

 “Micah, patawarin mo ako. Hindi ko
sinasadyang magpadala sa tukso. Nakikiusap ako, kalimutan na natin ang lahat at
magsimula tayong muli. Pangako, magiging tapat na ako.” pagsusumamo mo.

 Wala akong itinugon sa iyong
pakiusap. Nakakatawang napakadali lang para sa iyo ang magbitiw ng ganyang mga
salita. Napakagaling mo talagang mangako. Akala mo siguro’y magiging madali
lang din sa akin ang lahat. Akala mo siguro’y ganoon lang kadaling mawala ang
sakit. Nagkakamali ka. Hindi madaling pawiin ang kirot na nararamdaman ng puso.

 Totoo nga ang sabi ng marami. Masakit
matuklasan ang isang pagtataksil lalo na kung maririnig mo ito sa mismong bibig
na taong labis mong minamahal. Kahit anong pagkukunwari ang gawin ko’y hindi ko
maitatago ang sakit na aking nararamdaman. At kahit na anong paliwanag ang aking
marinig ay hindi na nito mababago pa  ang
katotohanan.

 Sa kabilang banda, nais ko pa ring
magpasalamat sa iyo. Salamat at kahit paano ay naging tapat ka sa pag-amin sa
iyong kataksilan. Salamat din dahil hindi mo na hinayaang  malaman ko pa sa iba ang iyong ginawa at ikaw
na mismo ang nagtapat nito sa akin. At higit sa lahat, salamat sa pagmulat sa
akin sa reyalidad na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaya kong papaniwalain
ang aking sarili.

 Ramdam ko ngayon ang paninikip ng
aking dibdib. Hinawakan ko ang kamay mong nakahawak sa isa kong kamay at
ibinaling ang tingin sa nakayuko mong mukha. Pagkatapos niyon ay iniangat mo
ang iyong nakayukong ulo upang salubungin ang aking tingin.

 “Pinapatawad mo na ba ako?” tanong
mo.

 “Oo, pinapatawad na kita… Paalam”

 Hindi ko maipaliwanag ang
nararamdaman ko. Bigla ay dumaloy ang masaganang luha sa aking mga mata. Sa
wakas ay napalaya ko na rin ang mga luhang kanina pa nais kumawala sa aking mga
mata.