Isang Hapon sa Maikling Bakasyon
Isang Hapon sa Maikling Bakasyon
Ni Cherry V. Tubes
Boooggg!
Mapapalingon ako sa pinanggalingan ng malakas na tunog ng iyon.
“Anthony, ano ba ‘yan?! Balak mo bang sirain ‘yang pinto natin sa lakas ng pagkakasara mo? At bakit ba parang nagmamadali ka?”
“Ay sorry. Ate Phay, paki sapinan naman nitong towel ang likod ko. Maglalaro kasi kami nila Hazel e.” nagmamadaling sagot ng bunso kong kapatid.
Kukuhanin ko naman ang towel at isasapin sa basa niyang likod.
“Umuwi ka bago dumulim. Lagot ka kay Tatay kapag dating niya mamayang gabi at wala ka pa sa loob ng bahay.”
“Opo.” Iyon lang at bigla ng tatakbo ang kapatid ko.
Iyan ang karaniwang eksena tuwing hapon dito sa bahay namin sa Rizal. Tuwing hapon ay magpapasapin sa likod ang aking kapatid at pagkataos ay magmamadaling tatakbo papunta sa mga pinsan naming kalaro niya. Kaya naman, tuwing hapon din ay makakarinig ka ng malalakas na tawanan, sigawan, asaran mula sa labas at ingay ng mga batang naglalaro ng habulan, tumbang preso, patintero, piko at kung anu-ano pang mga laro.
Ganito kasimple ang buhay ng mga tao dito sa Rizal. Makakakita ka ng mga taong nagku-kwentuhan sa labas ng kani-kanilang mga bahay, mga batang naglalaro at mga naglalako ng masasarap na meryenda. Malayong malayo sa ingay, traffic at polusyon sa Maynila.
Minsan tuloy, naiisip ko, ang sarap ng buhay sa probinsya… at ang sarap maging bata! Ang sarap maglaro tuwing hapon at ang sarap ng walang iniintindi kundi ang paglalaro.
Hindi ko maiwasang mainggit. Buti pa sila, walang iniisip ng gawain. Walang mga articles na ipapasa at walang accounting subject na paghihirapang ipasa. Mabuti nalang at bakasyon pa rin. Kahit na wala pang dalawang linggo ang maituturing kong “bakasyon,” ayos na rin.
Pero teka, tatlong araw nalang pala ang nalalabing araw ng “bakasyon” ko. Sa Martes ay pasukan nanaman. Babalik nanaman ako sa boarding house sa Maynila. Balik nanaman sa dating buhay, ang buhay iskwela at buhay Voice.
Speaking of Voice, 13 araw nalang din pala, ipapasa na naming mga trainees ang evaluation paper namin, ang Echoes. Hala! Patay na! Wala pa rin kaming malinaw na usapan tungkol sa gagawin naming dyaryo. At kumusta naman kaya ang mga co-trainees ko? Sana naman ay may mga nagawa na rin silang articles para sa pasukan, ipa-finalize nalang namin at sisimulan nang i-lay-out. Hay, wish ko lang talaga…
Ano naman kayang mangyayari sa pasukan? Sino kaya ang magiging prof ko sa accounting? Kung sino man siya, sana naman hindi niya kami masyadong pahihirapan.
Hay, buti pa talaga ‘yung kapatid at mga pinsan kong bata, wlang iniisip at pinoproblemang tulad nito.
“Anthony! Uwi na! Gabi na nasa labas ka pa!” Si Nanay ‘yun ah! Nakauwi na pala siya galing Tanay.
“Mam’ya na po,” sagot naman ng kapatid ko.
“Anong mamaya? Ngayon na! Uwi na! Aba’t itong batang ito!”
“Opo. Ayan na nga, uuwi na e.” ang kapatid ko habang patakbong papasok sa bahay.
“Phay, pumasok ka na rin at malamok na d’yan sa kinauupuan mo.” ako naman ang binalingan ni Nanay.
“Mamaya na po ‘Nay. Nagpapahangin pa ‘ko dito,” ang sagot ko.
“Hay, ikaw na nga ang bahala,” si Nanay.
“Si Nanay ang daya! Ako minamadaling papasukin sa bahay. Samantalang si Ate Phay, hindi.” reklamo ng magaling kong kapatid.
Hehehe! Binabawi ko na ang sinabi ko kanina. Mas masarap palang tumanda kahit paano. J