Archive for June, 2006

Isang Hapon sa Maikling Bakasyon

Friday, June 9th, 2006

                                                                     Isang Hapon sa Maikling Bakasyon

Ni Cherry V. Tubes

            Boooggg!

            Mapapalingon ako sa pinanggalingan ng malakas na tunog ng iyon.

            “Anthony, ano ba ‘yan?! Balak mo bang sirain ‘yang pinto natin sa lakas ng pagkakasara mo? At bakit ba parang nagmamadali ka?”

            “Ay sorry. Ate Phay, paki sapinan naman nitong  towel ang likod ko. Maglalaro kasi kami nila Hazel e.” nagmamadaling sagot ng bunso kong kapatid.

            Kukuhanin ko naman ang towel at isasapin sa basa niyang likod.

            “Umuwi ka bago dumulim. Lagot ka kay Tatay kapag dating niya mamayang gabi at wala ka pa sa loob ng bahay.”

            “Opo.” Iyon lang at bigla ng tatakbo ang kapatid ko.

            Iyan ang karaniwang eksena tuwing hapon dito sa bahay namin sa Rizal. Tuwing hapon ay magpapasapin sa likod ang aking kapatid at pagkataos ay magmamadaling tatakbo papunta sa mga pinsan naming kalaro niya. Kaya naman, tuwing hapon din ay makakarinig ka ng malalakas na tawanan, sigawan, asaran mula sa labas at ingay ng mga batang naglalaro ng habulan, tumbang preso, patintero, piko at kung anu-ano pang mga laro.

            Ganito kasimple ang buhay ng mga tao dito sa Rizal. Makakakita ka ng mga taong nagku-kwentuhan sa labas ng kani-kanilang mga bahay, mga batang naglalaro at mga naglalako ng masasarap na meryenda. Malayong malayo sa ingay, traffic at polusyon sa Maynila.

            Minsan tuloy, naiisip ko, ang sarap ng buhay sa probinsya… at ang sarap maging bata! Ang sarap maglaro tuwing hapon at ang sarap ng walang iniintindi kundi ang paglalaro.

            Hindi ko maiwasang mainggit. Buti pa sila, walang iniisip ng gawain. Walang mga articles na ipapasa at walang accounting subject na paghihirapang ipasa. Mabuti nalang at bakasyon pa rin. Kahit na wala pang dalawang linggo ang maituturing kong “bakasyon,” ayos na rin.

            Pero teka, tatlong araw nalang pala ang nalalabing araw ng “bakasyon” ko. Sa Martes ay pasukan nanaman. Babalik nanaman ako sa boarding house sa Maynila. Balik nanaman sa dating buhay, ang buhay iskwela at buhay Voice.

            Speaking of Voice, 13 araw nalang din pala, ipapasa na naming mga trainees ang evaluation paper namin, ang Echoes. Hala! Patay na! Wala pa rin kaming malinaw na usapan tungkol sa gagawin naming dyaryo. At kumusta naman kaya ang mga co-trainees ko? Sana naman ay may mga nagawa na rin silang articles para sa pasukan, ipa-finalize nalang namin at sisimulan nang i-lay-out. Hay, wish ko lang talaga…

            Ano naman kayang mangyayari sa pasukan? Sino kaya ang magiging prof ko sa accounting? Kung sino man siya, sana naman hindi niya kami masyadong pahihirapan.

            Hay, buti pa talaga ‘yung kapatid at mga pinsan kong bata, wlang iniisip at pinoproblemang tulad nito.

            “Anthony! Uwi na! Gabi na nasa labas ka pa!” Si Nanay ‘yun ah! Nakauwi na pala siya galing Tanay.

            “Mam’ya na po,” sagot naman ng kapatid ko.

            “Anong mamaya? Ngayon na! Uwi na! Aba’t itong batang ito!”

            “Opo. Ayan na nga, uuwi na e.” ang kapatid ko habang patakbong papasok sa bahay.

            “Phay, pumasok ka na rin at malamok na d’yan sa kinauupuan mo.” ako naman ang binalingan ni Nanay.

            “Mamaya na po ‘Nay. Nagpapahangin pa ‘ko dito,” ang sagot ko.

            “Hay, ikaw na nga ang bahala,” si Nanay.

            “Si Nanay ang daya! Ako minamadaling papasukin sa bahay. Samantalang si Ate Phay, hindi.” reklamo ng magaling kong kapatid.

            Hehehe! Binabawi ko na ang sinabi ko kanina. Mas masarap palang tumanda kahit paano. J

Thursday, June 8th, 2006

waaahhhh!!! Here I go again… I’m having a hard time writing AGAIN! We have all my muses gone? I got a lot of ideas on my mind.. a lot of stories to write.. but i just can’t put those ideas on print… nakakabaliw nmn… :c

….

Sunday, June 4th, 2006

"Alaala ng Isang Awitin" was one of my articles which was published on our school paper last issue….Ü

Alaala Ng Isang Awiin

Sunday, June 4th, 2006

Alaala Ng Isang Awitin

The closer I get to touching you,

the closer I get to loving you.

Give it time just a little more time,

we’ll be together.

With a little smile

the special smile,

the twinkle in your eyes

in a little while.

Give it time, just a little more time,

so we can get closer, you and I.

          Ang awiting iyan ang madalas kantahin sa akin ni Ryan noong hayskul kami. Halos tuwing umaga yata, habang wala pa ang teacher namin at habang abalang-abala ang lahat ng aming mga ka-klase sa paggawa ng kani-kanilang mga takdang aralin ay naririnig ko sa kanya ang kantang iyan. Biniro ko pa nga siya isang araw. Sabi ko, "Wala ka na sigurong alam na ibang kanta ‘no?" Pero sa halip na magsalita, isang ngiti lang ang isinagot niya sa akin.

          Si Ryan nga pala ay isa sa mga kabarkada ko noong hayskul. Isa siya sa mga taong may malaking papel na ginampanan sa paghubog ng aking pagkatao kaya naman pinahalagahan ko ng husto.

          Sa lahat ng mga kabarkada naming lalaki noon, masasabi kong siya ang naging sobrang malapit sa akin. Sa akin siya mas madalas ikuwento ang kanyang mga problema, maging family problem o kahit love life pa. Hindi siya nahihiyang magsabi sa akin ng kanyang nararamdaman, saloobin at opinyon. Pati nga mga pangarap niya para sa kinabukasan ay sa akin niya ikinukuwento. Ganoon din naman ako sa kanya. Hindi na rin ako nahihiyang magkuwento sa kanya ng mga sekreto at mga problema ko. Iyon siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit kami naging malapit sa isa’t-isa.

          Isa sa mga hindi ko malilimutang ginawa niya ay noong tanungin niya ako kung gusto ko raw bang ligawan niya ang isang kaklase namin. Nagulat at natawa ako sa tanong niyang ‘yon. Sabi ko, "Bakit ako ang tinatanong mo? Tanungin mo kaya ang sarili mo. Kung mahal mo talaga siya, bakit hindi, ‘di ba?" Pero gaya ng dati, isang ngiti lang ang isinagot niya sa akin.

          Hindi ko naintindihan ang ibig sabihin ng mga ngiti niyang ‘yon. Kaya, inakala ko na lang na nagbibiro lamang siya.

          Isang linggo pagkatapos ng kanyang pagtatanong, nalaman ko sa isa naming kabarkada na nililigawan na niya iyong kaklase namin. Pagkatapos kong malaman ‘yon, hinanap ko siya kaagad sa mga lugar sa aming paaralan na madalas niyang puntahan. Pero nabigo akong makita siya.

          Gusto ko sana siyang kausapin noon. Gusto kong itanong sa kanya kung talaga bang seryoso siya sa panliligaw niya. Hindi naman sa wala akong tiwala sa kanya at iniisip kong masama ang intensiyon niya, gusto ko lang naman siguraduhin kung talagang seryoso siya. Nais ko ring ipakita sa kanya ang aking suporta. Alam kong mabuting babae ang nililigawan niya at boto ako sa kanya para sa kaibigan ko.

          Ngunit, dahil nga hindi ko siya nakita saan mang lugar sa aming paaralan, nagdesisyon akong saka na lang siya kausapin.

         Kinabukasan, nakita ko ang buong barkada sa aming tambayan. Nandoon din si Ryan. Nagtatawanan ang mga ito at tila ba may masayang pinagkukuwentuhan. Naisip ko, pagkakataon ko na ‘yon para kausapin siya at para na rin ibalita sa iba pa naming mga kabarkada ang panliligaw niya sakaling hindi pa nila alam.

          Nang tuluyan akong makalapit sa kanila, biglang nawala ang ngiti sa mga labi ni Ryan. Parang biglang nagbago ang kanyang damdamin. Naguluhan ako. Hindi ko na naiintindihan ang nangyayari. Tumingin ako sa mukha ng aking mga kabarkada para makahanap ng kahit kaunting sagot pero wala akong mabasa sa mga mukha nila. Hindi na ako nakatiis. Nagsalita na ako.

         "Guys, bakit ganyan ang mga itsura ninyo? Ano ba ang nangyayari dito? Kanina lang, bago ako dumating, nagtatawanan pa kayo. Tapos nang lumapit na ako, parang bigla yata kayong natigilan. May problema ba?"

          Biglang tumunog ang bell. Hudyat na mag-uumpisa na ang aming klase.

          "Meg, tara, pasok na tayo," ang sabi sa akin ni Tricia, isa sa mga kabarkada ko. Wala akong nagawa kundi sumunod sa kanya at pumasok sa aming silid-aralan. Pero sinabi ko sa aking sarili na hindi ako titigil hangga’t hindi ko nakakausap si Ryan. Alam kong mayroon akong dapat na malaman.

          Pagkatapos ng aming klase, sinubukan ko uling hanapin si Ryan. Sa wakas ay nakita ko siyang mag-isang nakaupo sa bench.

          "Ryan, pwede ba tayong mag-usap?" tanong ko sa kanya.

          "Tungkol saan?" ang sagot niya sa akin.

          "Uhm, tungkol kanina. Bakit bigla yata kayong natigilan noong dumating ako? May problema ba? Saka, ikaw ha, nililigawan mo na pala si Ross, hindi mo man lang sinasabi sa akin. Magtatampo na ako sa’yo niyan."

           "Ah, ‘yon ba? Nasabi ko na sa’yo ‘yon ‘di ba? Tungkol naman doon sa pagdating mo kanina, wala ‘yon. Sige, may pupuntahan pa ‘ko e."

           "Teka lang, bakit ka ba ganyan? Iniiwasan mo ba ako? May nagawa ba akong mali? Hindi ko na talaga maintindihan kung ano ang nangyayari."

          "Meg…"

          "Alam mo, hindi talaga kita maintindihan. Kung ayaw mo akong kausapin, ‘di wag! Bahala ka na sa buhay mo."

          Iyon ang huli naming pag-uusap. Nagdaan ang aming graduation pero hindi na kami muli pang nakapag-usap. Masama ang loob ko sa kanya noong mga panahong ‘yon. At ang lalo ko pang ikinasama ng loob ay ‘yong hindi man lang siya gumawa ng paraan para magkaayos kami. Pakiramdam ko, balewala na sa kanya ang pagkakaibigan namin.

         Isang buwan pagkatapos ng aming graduation ay ang kaarawan ni Tricia. Ayoko sanang pumunta dahil alam kong nandoon din si Ryan. Pero, ayoko rin namang magtampo si Tricia. Kaya, napilitan akong pumunta. Laking gulat ko nang wala si Ryan sa party. Hindi na ako nagtanong pa sa mga kabarkada namin kung bakit siya wala. Sabihin ng mataas ang pride ko pero ayokong isipin nilang hinahanap ko siya. Pero, nagulat ako nang may ibinigay na sulat sa akin si Tricia. Galing daw ito kay Ryan.

          Dala ng aking pagtataka, binasa ko ang sulat.

Meg,

          Gusto ko sanang humingi ng sorry sa’yo. Alam kong masama ang loob mo sa akin. Gustuhin ko man noon na magpaliwanag sa’yo, hindi ko magawa. Hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Pero, ngayong malayo na ako sa’yo, naisip kong panahon na siguro para malaman mo ang totoo.

          Naaalala mo ba noon na madalas kong kantahin ang "Closer you and I"? Hindi mo siguro napapansin pero para sa’yo ang kantang ‘yon. Meg, mahal kita. Pero hindi ko masabi sa’yo ‘yon dahil alam kong hindi magtatagal ay magkakalayo rin tayo. Isinaalang-alang ko rin ang pagkakaibigan natin. At noong itanong ko sa’yo kung gusto mong ligawan ko si Ross, ‘yon ang paraan ko para malaman ko kung may nararamdaman ka para sa akin. Pero, nasaktan ako sa naging sagot mo. Kaya pinilit kong iwasan ka. Sana mapatawad mo ako, Meg.

          Siya nga pala, nag-migrate na kami dito sa Canada. Hindi ko na naipaalam sa’yo. Sorry talaga. Hindi ko rin alam kung kailan ako makakabalik d’yan. Pero sana, sa pagbabalik ko ay nand’yan ka pa rin para sa akin, Meg. Sana hintayin mo ‘ko. Just a little more time and we’ll be together, you and I.

                                                                              Nagmamahal,

                                                                                    Ryan

          Hindi ko napigilan ang pagpatak ng aking luha pagkatapos kong basahin ang sulat ni Ryan. Naiinis ako sa kanya. Bakit hindi na lang niya sinabi sa akin ‘yon. Pero sa kabilang banda, natutuwa akong malaman ang damdamin niya. Bumalik sa aking alaala ang mga linya ng kanyang awitin. Hihintayin kita, Ryan. Pangako.