Isang bahagi ng ‘CORNING’ ako…
Bakit nga ba ang hirap makahanap ng isang taong mag-mamahal sa iyo ng totoo? Iyon bang hindi ka iiwan kahit anong mangyari. Iyong palaging nandiyan para mahalin, intindihin at pahalagahan ka. At iyong tipong iwan ka man ng buong mundo, nandiyan pa rin siya para ipagtanggol ka. Ipaglalaban ka at sasabihin sa iyong.. “Okay lang yan! Nandito pa naman ako e!”
Hay, napakasarap isiping may taong ganon ano? Ang sarap managinip na baling araw, makakatagpo ka rin ng ganon. Kaya lang, mahirap din kung minsan. Mahirap ding habambuhay na mangarap at managinip. Mahirap umasang may isang taong magmamahal sa iyo at hindi ka iiwan kailanman.
Ako? Naranasan ko nang lahat ng iyan. Maraming beses pa! Iyon bang akala ko totoo siya. Akala ko hindi niya ako iiwan. Iyon pala, dumaan lang siya para paibigin at paasahin ako. Ang saklap di ba?!
Maraming beses na rin akong nakarinig ng mga pangako. Mga pangakong ginawa lamang pala para mapako. Mga pangakong inasahan kong magkakatotoo. Pero gaya ng dati, at ng paulit-ulit na nangyayari…hangang asa na lamang pala ako.
Sa lahat ng ito, isa lang ang hindi ko maintindihan. Iyon iyong kahit paulit-ulit akong umasa’t masaktan, paulit-ulit din naman akong nagmamahal. Sinasabi sa sariling.. “Isang pagkakataon pa. Malay mo siya na….” Pero sa kasamaang palad, hindi naman pala.